Hinimok ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kapwa niya kongresista na ipasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang naglalayong bigyan ng karagdagang financial assistance ang mga pamilyang apektado ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ang hakbang na ito ang siyang marapat aniyang gawin habang tinatalakay naman ang proposed Bayanihan to Arise as One (Bayanihan 3), na inihain nina Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo, na suportado ng nasa 115 iba pang kongresista na nagnanais na maging co-author.
Sa isang Facebook post, binigyan diin ni Cayetano na marami pa rin ang naghihirap at hindi na makapaghintay pa ng matagal na debate para sa itinutulak ng liderato ng Kamara na isa pang economic stimulus.
Noong isang linggo, inahain nina Cayetano at Taguig-Pateros Rep. Lani Cayetano ang panukalang lilikha sa Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program.
Layon ng panukalang ito na bigyan ng P10,000 na ayuda ang bawat pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Ang pagtalakay sa mga ganitong panukala aniya ang siyang dahilan kung bakit patuloy silang nananawagan sa House leadership na isantabi muna ang Charter change upang sa gayon mabigyan ng nararapat na solusyon ang mga problemang kinakaharap ng bansa bunsod ng public health crisis.