Nagpakawala ng panibagong batikos si Senator Alan Peter Cayetano laban sa ilang miyembro ng bagong Senate majority matapos niyang akusahan ang mga ito na umano’y mga “tuta” ng Malacañang.
Sa kanyang speech sa isang fellowship lunch nitong Biyernes, pinangalanan ni Cayetano sina Senate Pro-Tempore Vicente ”Tito” Sotto III at senator Raffy Tulfo bilang mga umano’y “tuta” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Habang si senator Erwin Tulfo naman daw ay umano’y “tuta” ni Lacson dahil sa mga impormasyong hawak umano ng dating senador laban sa kanya.
Hindi rin nakaligtas sa kanyang mga puna si Lacson na tinawag niya bilang “aso.”
“Si Lacson? Hindi na po tuta si Lacson, aso na po siya. Matagal na,” dagdag ni Cayetano, na ipinaliwanag na ang tinutukoy niyang “aso” ay isang taong sumusunod at nagpapatupad ng utos.
Sa panig ni Lacson, sinabi nitong naaawa siya kay Cayetano dahil sa mga pahayag nito.
“Kawawa naman. Kung anu-ano na ang sinasabi. Parang malapit nang bumigay. Sana hindi tuluyang mag-meltdown,” ani Lacson.
Samantala, bumuwelta naman si Tito Sotto, aniya hindi na dapat pag-aksayahan ng oras ang pahayag ni Cayetano.
“It’s about time na huwag niyo nang patulan ang mala-telenovelang mga ingay na wala namang mararating. Waste of airtime. Let’s move on for the good of the country,” wika ni Sotto.
Matatandaang ilang beses nang iginiit ni Cayetano na may papel umano ang Malacañang sa naging pagbabago sa liderato ng Senado.
Noong Hunyo 8, sinabi niya na nahati sa dalawang grupo ang Senado, kung saan ang isa umano ay suportado ng Palasyo. Nagmungkahi rin siya noon ng isang “interim administrative arrangement” kasama si Senator Sherwin Gatchalian, ngunit ito ay tinanggihan ni Gatchalian.
Si Gatchalian ang nahalal bilang Senate President Pro Tempore noong Hunyo 3 matapos magpulong ang mga senador na dating kabilang sa minority bloc. Noong Hunyo 17, pormal siyang nahalal bilang bagong Senate President, kapalit ni Cayetano, na siyang nagtapos sa sigalot sa liderato ng Mataas na kapulungan.
















