Asiwa si Speaker Alan Peter Cayetano na pag-usapan sa ngayon ang nakatakdang pagbabago sa liderato ng Kamara sa darating na Oktubre.

Sinabi ni Cayetano hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ang pagbabagong mangyayari sa Speakership post gayong nasa gitna pa ng COVID-19 crisis ang bansa.

Mababatid na sa kasunduang inayos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, si Cayetano ang napiling maupo bilang Speaker ng Kamara hanggang sa darating na Oktubre at si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco naman ang siyang papalit hanggang sa matapos ang 18th Congress.

Sa ngayon, sinabi ni Cayetano na bagama’t maituturing nasa “wartime” ngayon ang Kongreso dahil sa COVID-19 pandemic, patuloy pa rin naman aniya ang paghahanda na kanilang ginagawa para sa transition na mangyayari.

Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-usap sa mga supporters ni Velasco sa pagnanais na “minimal” lamang ang pagbabago sa transition na gagawin lalo na sa chairmanship sa mga komite.

Iginiit ni Cayetano na marami nang “significant achievement” ang 18th Congress at nais nilang ipagpatuloy ito kahit sa gitna ng krisis dulot ng pandemiya.