-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng mas maluwag na panuntunan ang Cauayan City District Jail sa unang araw ng Enero sa susunod na taon para sa mga residenteng dadalaw sa kanilang mga kamag-anak na Persons Deprived of Liberty (PDL).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni JO2 Carla Mae Calaunan ng Community Relations Service ng Cauayan City District Jail na lilimitahan ang bilang ng mga puwedeng dumalaw sa isang PDL sa January 1.

Aniya basta immediate family ng PDL ay puwedeng dumalaw kabilang ang mga bata basta sila ay bakunado laban sa COVID-19.

Ang mga hindi naman bakunadong dadalaw ay puwede pa ring manatili sa kanilang no contact visitation area.

Puwede ring magdala ng handa ang mga dadalaw at i-celebrate ang bagong taon kasama ang kanilang mga kaanak sa loob.

Mahigpit pa rin ang paalala ng mga otoridad sa mga dadalaw na huwag magdamit ng seksing kasuotan.

Samantala, ikinatuwa ng mga residenteng may kamag-anak na PDL ang gagawing pagluluwag sa kulungan sa bagong taon.

Ayon kay Tina Gabriel, magagamit nila ang pagkakataon upang sabay-sabay na madalaw ang kanilang kamag-anak na hindi pinapayagang madalaw sa pangkaraniwang araw.

Pagkakataon din ito upang makita ng mga bata ang kanilang mga kamag-anak na PDL.

Matagumpay namang ipinagdiwang ng 231 PDLs ang kanilang Christmas Party noong Lunes.