-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ipinarating ni Governor Rodito Albano ng Isabela ang labis na kalungkutan at pakikiramay sa pamilya ng apat na namatay sa pagbagsak at pagliyab kagabi ng isang Huey Helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa compound ng kanilang Air Station sa San Fermin, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na magkakaloob ng financial assistance at plaque of recognition ang pamahalaang panlalawigan sa nasawing dalawang piloto, isang crew at isang backride ng chopper na hindi pa kinilala ang pangalan.

Ayon kay Gov. Albano, nagulat at nalungkot siya nang mabalitaan ang trahedya dahil may sarili rin siyang chopper na palagi niyang ginagamit.

Hindi naman ito nagdulot ng takot sa alkalde sa pagsasabing kung darating na ang oras niya ay wala siyang magagawa dahil lahat naman ng tao ay namamatay.

Ang kailangan lamang ay mag-ingat para maiwasan ang hindi magandang pangyayari.

Sinabi pa ni Gov. Albano na kailangan nang i-monetize ang mga luma nang sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force dahil dito minsan isinasakay ang mga pulitiko.

Samantala, ang helikopter na may tail number 8308 ay ang mismong chopper na sinakyan ni Bombo Maia Jacob, anchorwoman at assitant station manager ng Bombo Radyo Cauayan kasama ang ilang kagawad ng media, nang magsagawa noong July 2019 ng aerial view bilang bahagi ng regular maintenance activity ng 205th Tactical Helicopter Wing ng PAF.