Idinagdag na ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray sa kanyang advocacy ang pamamahagi ng libreng face mask sa mga “mas nangangailangan” sa bansa sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.
Ito’y sa pamamagitan ng paghingi ng suporta na tangkilikin ang grupo na nananahi ng naturang mga face mask na tinahi rin daw mismo ng mga komunidad sa laylayan.
Para sa 26-year-old half Australian beauty na tubong Bicol, ang mga mahihirap ang mas delikado sa deadly virus kaya kailangan din nila ng face mask sa paraang hindi na gagastos.
Nais ni Cat na kung may pera man ang isang mahirap na tao, iyon ay ilalaan na lamang sa iba pang mahalagang bagay.
Base sa Mask4AllPH, gawa ang kanilang produkto sa katsa na aprubado ng mga doktor sa Philippine General Hospital para sa mga ordinaryong tao at hindi para sa mga health worker.
Kung maaalala, mayroon ding inilabas na “lava face mask” ang Kapampangan designer na si Mak Tumang.
Gayunman, humihirit ang mga fans ni Gray na dapat ay may kasamang signature nito ang ilalabas na tinaguriang “lava face mask.”
Si Tumang ang siyang nasa likod ng “lava” ideas noong 2018 Miss Universe kabilang ang “lava walk” o yaong slow-mo twirl ni Catriona suot ang swim suit attire at ang kulay pulang gown na malinaw na simbolo ng Bulkang Mayon.
Nagkakahalaga ng P1,500 ang isang set ng lava mask ni Tumang tampok ang apat na disenyo at pawang 3-Ply material.
Samantala, wala pa namang “say” ang pang-apat na Pinay Miss Universe sa pahayag ng celebrity boyfriend nitong si Sam Milby na siya na ang nais nitong pakasalan.