Maging sina 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray at international pop star na si Taylor Swift ay kinwestyon din ang isinusulong na Anti Terrorism Bill na sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng tinatawag na IG story kung saan mayroong 133 million followers ang “Shake It Off” singer, kabilang sa mga hashtag nito ang #JunkTerrorBill, #MassTestingNowPH at #OustDuterte.
Sa panig naman ng pang-apat na Miss Universe sa kanya ring IG story, nag-post ito ng ilang resources, hindi aniya upang gayahin ang kanyang pananaw, kundi para mag-isip daw ang mga mamamayan kung ano ang magiging epekto sakaling maisabatas ang Anti Terrorism Bill.
Una nang nagkaisa ang maraming local stars sa pag-alma kaugnay sa nasabing panukalang batas.
Kabilang dito sina Kiana Valenciano, Solenn Heusaff, Janine Gutierrez at iba pa, na pawang hangad na huwag tuluyang maipasa ang panukala na may layuning palakasin ang polisiyang ipinapatupad laban sa terorismo at makukulong ng 12 taon ang mga lalabag.
Anila, nakakatakot para sa sinomang kokontra sa gobyerno dahil tila kaunting opinyon nila para sa katarungan ay maituturing na bilang act of terrorism.