-- Advertisements --
cbcp logo

Umapela ng tulong ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa publiko para sa mga biktima ng malawakang sunog sa Hawaii.

Ayon kay Council of the Laity of the Philippines o Laiko president Raymond Cruz, bagaman maraming mga pangangailangang kailangang tugunan sa ating bansa, mainam din aniyang matulungan ang mga nabiktima ng wildfire sa nasabing estado.

Ayon kay Cruz, ang lawak ng pinsala at danyos na iniwan ng nasabing kalamidad sa buhay at kabuhayan ng mga residente roon ay kalunos-lunos.

Dahil dito, nangangalap ng tulong ang simbahan na maaaring maipadala sa mga biktima ng malawakang sunog.

Maaari namang makipag-ugnayan ang mga nagnanais magbigay ng tulong Council of the Laity of the Philippines para rito.

Sa kasalukuyan, gumagawa na rin umano ng mga kaukulang hakbang ang counterpart ng CBCP sa Maui upang makatulong sa mga apektadong residente, kung saan ang mga Pilipino ang pangalawa sa may pinakamaraming populasyon na bumubuo sa nasabing lugar.

Batay sa datos na inilabas ng mga awtoridad ng Hawaii, umabot na sa 115 ang bilang ng mga namatay sa nasabing sunog habang mahigit 1,000 katao ang patuloy pa ring pinaghahanap.