-- Advertisements --

Tinawag ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro ang pansin ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at iba pang mga kapwa kongresista hinggil sa umano’y ouster plot laban kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Castro na siya ay nasaktan nang malaman ang aniya’y pag-aalipusta na ginagawa ng iilan sa mga “ligaw at manhid na kaluluwa” sa mababang kapulungan para lamang sa kanilang pansariling ambisyon o layunin.

Sinabi ni Castro na base sa aniya’y mga mapanlinlang na pahayag ng mga pinatutungkulan niyang kapwa kongresista, may nakahanda na raw ang mga ito na papalit sa iba’t ibang posisyon sa Kamara.

Pero pinaalalahanan ni Castro na sa oras man na matuloy ang term-sharing agreement nito kay Speaker Alan Peter Cayetano sa darating na Oktubre, tanging ang speakership post at chairman ng committee on accounts ang mapapalitan.

Walang smooth transition na mangyayari aniya kung gagalawin pati ang ibang mga posisyon katulad na lamang ng mga nakaupong Deputy Speakers.

Apela ni Castro sa kabilang kampo, huwag naman daw sana maging brutal at masyadong halata dahil sa simula pa lang, nang mabuo ang term-sharing agreement sa pagbubukas ng 18th Congress, ay walang humpay na aniya ang panggulo at paninira ng mga ito.

Ipinaalala naman din ni Castro kay Velasco na minsan nang inanyayahan ito ni Speaker Cayetano na maging kasama sa pagpapatakbo ng Kamara nang inalok ito bilang maging senior deputy speaker subalit ito ay tinanggihan at mas pinili na maging chairman na lamang ng House committee on energy.

Maging ang mga kaalyado nga raw ni Velasco ay inalok din ng posisyon sa Kamara subalit sa kabila nito ay pawang pang-iintriga raw ang isinukli sa House leadership.

Patutsada pa ni Castro, hindi nagtrabaho, walang iniambag, at hindi rin dinepensahan ni Velasco ang Kamara kaya papaano sila susunod sa kanya sa oras na siya na ang maupo bilang lider ng Kapulungan.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Buhay party-list Rep. Lito Atiena na ang ouster plot laban sa House leadership na pinalulutang ngayon ay maaring kagagawan lamang din ng kampo ni Cayetano.

Malabong sa kampo ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco manggaling ang sinsasabing coup d’etat gayong sa Oktubre na rin naman ang nakatakdang pag-upo nito bilang Speaker base sa term sharing agreement nila ni Cayetano, na binuo mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maaring isinusulong aniya ng kabilang kampo na maideklarang bakante ang posisyon ng speaker at deputy speakers upang sa gayon ay mapawalang-saysay ang gentleman’s agreement nina Cayetano at Velasco.