Kapwa tumimbang ng 121.6 pounds sina Pinoy boxer John Riel “Quadro Alas” Casimero at makakalaban nitong Japanese boxer Yukinori Oguni.
Gaganapin ang 10-rounder non-title bout main event sa Oktubre 12 sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.
Si Casimero ay dating three-division world champion habang si Oguni ay dating IBF world super bantamweight champion.
Ito ang unang laban ni Casimero sa Japan matapos ang pagpirma nito ng promotional contract sa Treasure Boxing Promotion noong 2022.
Target ng 34-anyos na si Casimero na mabawi ang karangalan sa mundo ng boxing.
Noong 2022 kasi ay tinanggal ang kaniyang WBO world bantamweight title matapos malabag niya ang British Boxing Board of Control ban sa sauna para mabilis na mabawas ang timbang.
Dahil dito ay hindi natuloy ang pagdepensa ng kaniyang titulo laban kay Paul Butler ng United Kingdom.
Kahit na nagkaroon ng kontrobersiya ay nakabawi din ito ng talunin si Ryo Akaho ng Japan sa kontrobersiyal na laban sa South Korea noong Disyembre 2022.
Una kasi siyang na-disqualified dahil umano sa tinamaan umano niya si Akaho sa likod ng kaniyang ulo subalit sa ginawang masusing pag-aaral ay nabago ang laban at lumabas na naging malinis ang suntok.
May record si Casimero na 33 panalo, apat na talo at 22 knockouts habang si Oguni ay mayroong 21 panalo , dalawang talo at dalawang draw.
Kahit na matangkad ang Japanese boxer na 5-foot-7 at reach advantage na 69.5 inches habang si Casimero ay mayroong 5-foot-4 na mayroong 64 inch reach ay mayroong magandang knockout percentage naman ito na 66.70 percent kumpara kay Oguni na 38.1 percent lamang.