-- Advertisements --

Binigyang-diin ng ilang senador ang kahalagahan ng pagkakaroon pa rin ng cash payment option sa mga toll ways kahit pa isinusulong na ng gobyerno ang paggamit ng cashless transactions.

Ayon kay Sen. Grace Poe, kailangan pa rin nilang maglagay ng alokasyon sa budget ng Department of Transportation (DOTr) para panatilihin ang cash booths sa mga toll booths.

Masyado raw kasing kumpiyansa ang pamahalaan na magiging maayos ang pagpapatupad ng radio-frequency identification (RFID) system ngunit hindi nito na isip ang ilang problema na maaaring kaharapin ng mga driver.

Isa na rito ang posibleng pagkasira o pagloloko ng RFID scanners kaya dapat aniyang payagan na lamang ang mga drivers na magbayad ng pera para hindi na maging abala pa sa mga ito at sa ibang nakapila.

Una nang ipinag-utos ng DOTr sa tollway management na simulang ipatupad ang RFID system sa darating na Disyembre 1 bilang hakbang ng gobyerno na kontrolin ang pagkalat pa ng coronavirus disease.

Ang RFID ay isang uri ng cashless payment scheme kung saan ang digital data na naka-encode sa tags ay mababasa sa pamamagitan ng radio waves.

Sinegundahan naman ni Sen. Nancy Binay ang suhestyon na ito. Sa ibang bansa aniya ay may option pa rin sa paggamit ng cash payments lalo na para sa mga turista o nagre-renta lamang ng kotse.