Inaagapan ngayon ng mga otoridad ang sumadsad na cargo vessel sa katubigan ng Batangas City.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG)-Southern Tagalog District, naglalayag ang LCT (landing craft, tank) Golden Bella mula sa Brooke’s Point sa Palawan patungo sanang Maynila, habang malakas ang hangin at “moderate to rough” ang karagatan.
Habang naghahanap ng anchorage area, sumadsad ang vessel sa mabatong bahagi sa mababaw na tubig sa Barangay Ilijan dakong alas-2:28 ng hapon.
Ang LCT ay isang specially designed ship para sa cargo, trucks, containers, building materials, cars, at mga pasahero.
Agad naman na ipinadala sa lugar ang PCG’s Marine Environmental Protection Force and Special Operations Unit sa Southern Tagalog upang suriin ang sitwasyon at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga apektado.
Ligtas naman ang 12 tripulante ng nasabing vessel.
Batay sa ulat, may karga itong 13,456 litro ng diesel at 173 litro ng lube oil.
Subalit, sinabi ng PCG na walang natukoy na oil spill sa lugar.
Pinayuhan ng PCG station sa Batangas ang Golden Anchor Shipping Lines Corporation, may-ari ng 996 gross tonnage LCT Golden Bella, na gumamit ng tug boat upang i-tow ang vessel.
Ipinag-utos din ng mga otoridad na maghanda, partikular sa oil spill response operations, sakaling magkaroon ng oil spill incident sa lugar.
Sa pananaliksik ng Bombo Radyo, lumilitaw na dati na rin itong sumadsad sa New Washington, Aklan noong Disyembre ng taong 2023.