Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek sa pagpatay ng isang caretaker ng simbahan gamit ang martilyo sa loob ng San Roque Church, Brgy Mambaling sa lungsod ng Cebu.
Nakilala ang naaresto na si Jerry Casio Jr., 21 anyos at ang biktima ay kinilalang si Pelagio Marine, 40 anyos.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang natutulog si Marine palihim pang pumasok sa kwarto nito si Casio at minartilyo ng makailang beses ang ulo dahilan sa agarang pagkamatay nito.
Nag-trigger pa ang nangyaring pag-atake matapos pagbawalan ng biktima ang suspek na gumala sa loob ng simbahan.
Samantala, ipinag-utos na ni City Director PCol Ireneo Dalogdog ang pagsagawa ng masusing imbestigasyon para malaman ang pagkakasangkot ng suspek sa robbery with frustrated homicide incident na nangyari noong Oktubre 26 dakong alas-9 ng gabi sa skywalk sa harap ng isang paaralan.
Modus pa umano nito ang gumamit ng martilyo.
Kasalukuyan ngayong nakadetain sa Mambaling police station ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.