Nilinaw ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na ang sanhi ng pagkamatay ng convicted car theft gang leader na si Raymond Dominguez ay dahil sa cardiac arrest.
Ayon kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, ito ay batay sa autopsy report na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos natagpuang wala ng buhay si Dominguez sa kaniyang selda sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City bandang alas-6:20 ng umaga nitong nakalipas na Biyernes.
Binigyang-diin ni Chaclag na natural causes ang pagkamatay ni Dominguez at walang indikasyon na nagkaroon ng foul play, pero kanila pa ring hinihintay ang medico legal report.
Una rito, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang BuCor na magsumite ng report kaugnay sa pagpagpanaw ni Dominguez sa lalong madaling panahon.
Subalit hindi kumbinsido ang ngayo’y biyuda na si Mae Dominguez lalo’t bago pa aniya namatay si Raymond ay tumawag pa ito sa kaniya pero hanggang sa kinabukasan ay natagpuan na itong patay.
Taong 2012 nang ma-convict si Dominguez na guilty sa kasong carjacking noong 2010.