Para kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate si dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema ang dapat na madiin sa kaso kaugnay ng akusasyong panunuhol laban kay Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon.
Ipinunto ni Zarate ang pag-amin ni Cardema na pumayag siyang mag-abot ng P2-million na suhol kay Guanzon para kilalanin ang accreditation ng Duterte Youth Party-list.
Ayon sa kongresista, malinaw na personal ang interes ni Cardema sa posisyon kaya nagawa nitong kumilos kahit nakaupo pa ito noon bilang NYC chairman.
Dapat umanong kasuhan ng graft si Cardema.
Hinamon naman ng party-list congressman ang dating opisyal na pangalanan ang babaeng kongresista na sinasabing emisaryo ni Guanzon.
Magdudulot daw kasi ito ng pagdududa sa buong Kamara hangga’t walang inilalabas na ebidensya si Cardema sa paratang nito.
Pero kung si Zarate umano ang tatanungin, isang pag-atake ang pag-iingay ni Cardema para makakuha ng simpatya mula sa publiko.