BUTUAN CITY – Magsasagawa ng candle-lighting activity ngayong Lunes, Hunyo a-15 ang Butaun City Ballers Clubs bilang tribute sa mga basketbolista ng Ateneo Blue Eagles men’s team na nasawi habang nasa boot camp sa Dipaculao, Aurora na sina Rene Baterbonia mula Talacogon, Agusan del Sur at ang Nigerian na si Divine Adili.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng event organizer na si Edu Velarde na gaganapin ito mula alas-sais ng gabi pataas kungsaan magkakaroon ng moment of silence na susundan ng panalangin at isang friendly basketball game bilang pagpupugay sa dalawang nasawing student cagers.
Bukas ang aktibidad sa lahat ng basketball players, fans, at ball clubs nitong lungsod ng Butuan na nais makiisa sa pagbibigay-tribute.
Nilinaw ni Velarde na hindi lamang ito pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati, lalo na kay Baterbonia na nakasama pa nila sa finals ng Palarong Pambansa 2026, kundi panawagan din para sa patas at transparent na imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang may responsibilidad sa trahedya na pumigil sa pangarap ng AgSurnon cager para sa kanyang pamilya upang mai-ahon sa kahirapan.
















