Handa rin daw magpabakuna sa harap ng publiko si Canadian Prime Minister Justin Trudeau kapag ang age line na nito ang nakatakdang susunod na babakunahan.
Nag-umpisa nang mamigay ng bakuna ang Canada sa mga itinuturing na high-risk categories tulad ng frontline health care workers, Canadian residents, at maging staff ng long-term care facilities kahit pa limitado lamang ang supply ng Pfizer-BioNTech vaccine.
Ayon pa kay Trudeau, susundin nito ang mga rekomendasyon ng mga public health experts hinggil sa tuluyang pagkontrol ng coronavirus disease sa naturang bansa.
Magugunita na noong Marso ay nagpositibo sa COVID-19 ang asawa ni Trudue na si Sophie dahilan upang sumailalim ang 49-anyos na prime minister sa self-quarantine.
Inaasahan ng Canada na matatanggap nito ang karagdagang doses ng bakuna mula sa Pfizer at Moderna sa oras na aprubahan na ng mga health officials ang huli.
Hinihintay na lang daw ng bansa na bigyan ng authorization ang Moderna ngayong linggo.
Sa kabuuan ay mayroong mahigit 400 million doses ng bakuna ang Canada mula sa pitong pharmaceutical groups para sa 38 milyong residente nito.
Nakahanda naman itong ipamahagi ang sobrang bakuna sa ibang bansa na nangangailangan.