Nagpahayag ng kahandaan ang Cambodia na tulungan ang Pilipinas sa pagtugon nito sa kakulangan ng suplay ng bigas.
Ito ang inihayag ni Speaker Martin Romualdez sa naging bilateral meeting nina Pang. Ferdinand Marcos Jr at Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne, Australia.
Siniguro ni Speaker na suportado nito si Pang. Marcos sa kaniyang inisyatiba na makipagtulumgan sa Cambodia at maging sa iba pang ASEAN allies upang matiyak ang isang matatag at resilient food supply ng pagkain.
Ayon kay Speaker mahalaga ang bilateral meeting nina Pang. Marcos at Prime Minister Mannet para magkaroon ng sapat na suplay ng bigas ang Pilipinas sa gitna ng banta ng El Nino phenomenon.
Sinabi ni Speaker, tinalakay ng dalawang leaders sa pulong ang mahahalagang isyu na layong palakasain ang kalakalan at pamumuhunan at malakas na ugnayan sa ekonomiya partikular sa kalakalan sa bigas at turismo.
Binigyang-diin ni Romualdez na sa kabila ng katiyakan ng Department of Agriculture na sapat ang suplay ng bigas sa bansa hanggang sa unang quarter ng taon, mananatiling mataas pa rin ang presyo nito hanggang sa buwan ng September dahil sa epekto ng El Nino.
Ayon naman sa mga Cambodian officials, target ng kanilang bansa na makakuha ng isang porsyentong bahagi ng merkado ng inangkat na bigas sa Pilipinas pagsapit ng 2024 at hinikayat ang mga stakeholder na panatilihin at gumawa ng higit pang pagsisikap na mapataas ang rice exports sa Pilipinas.
Kaisa si Speaker sa hangarin ni Pang. Marcos na mabigyan ng sapat at abot kayang presyo ng bigas para sa mga mamamayang Pilipino.
Magugunita na nuong nakaraang taon, nakakuha din ng commitment si Speaker Romualdez sa Vietnam na suportahan ang Pilipinas sa kakulangan nito ng suplay sa bigas.