LEGAZPI CITY – Pina-iimbestigahan na ng lokal na gobyerno ng Camalig ang mga natatanggap na ulat na may ilang residente ang bumabalik at pumapasok pa rin sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon sa kabila mahigpit na pagbabawal ng mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Carlos Irwin “Caloy” Baldo, nakarating na sa kanilang opisina ang nasabing report na pina-iimbestigahan na sa mga opisyal ng barangay at sa mga tauhan ng Philippine National Police.
Binigyang diin nito na lubhang mapanganib ang pagpasok sa permanent danger zone dahil sa mga naitatalang lindol sa paligid ng bulkan at ang pyroclastic density current (PDC) o uson o ang mabilis na pagbulusok pababa ng mga volcanic materials.
Mayroon naman umanong checkpoints sa labas ng 6km permanent danger zone habang may log book ang bawat evacuation centers upang mahigpit na mabantayan ang galaw ng mga evacuees.
Panawagan ng opisyal sa mga residente na sumunod na lamang sa inilalabas na abiso ng gobyerno dahil layunin lamang nitong maproteksyonan ang seguridad ng publiko.
Nabatid na nasa 900 na pamilya ang pinalikas mula sa bayan ng Daraga na pasok sa 6km permanent danger zone mula yan sa mga barangay ng Quirangay, Sua, Sumpa at Anoling.