CAUAYAN CITY – Nagpaalala sa publiko ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na palaging uminom ng tubig at mag-ingat sa mga sakit na nakukuha sa mainit na panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na mayroon na silang naka-admit na walong pasyente dahil sa dehydration.
Anya, kailangang madalas na uminom ng tubig upang hindi makaranas ng dehydration at hindi matuyuan ang katawan.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na ang kinatatakutan ngayong panahon ng tag-init ay ang heatstroke.
Ang sintomas ng heatstroke ay mainit na katawan, pananakit ng ulo, nahihilo at ang pakiramdam na natutuliro at palaging pagod.
Ayon kay Dr. Baggao, dapat na manatili ang publiko sa malamig na lugar at iwasang lumabas kapag alas diyes ng umaga hanggang alas tres ng hapon at iwasan ang pag-inom ng softdrinks.
Maraming mamamayan din ang nagtutungo sa mga dagat at ilog dahil sa mainit na lagay ng panahon ngunit dapat na mag-ingat upang makaiwas sa pagkalunod.
Ipinaalala din nito sa publiko na ugaliing suriin ang mga kinakain upang makaiwas sa food poisoning.
Samantala, nakahanda naman ang Emergency Room ng CVMC sa pagtanggap ng mga pasyenteng maapektuhan ng tag-init o summer season.
Nakaantabay din ang kanilang Health Emergency Management Staff sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa.
Magdedeploy din sila ng mga kawani kung hihilingin ng mga Local Government Unit ang tulong ng kanilang Health Emergency Management Staff.