-- Advertisements --

Pinalaya na mula sa pagkakakulong sa House of Representatives si Cagayan Governor Manuel Mamba matapos ang ginawang pinal na desisyon ng Joint Committee sa isinagawang special meeting kagabi.

Nakatanggap kasi ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema ang Committee on Public Accounts joint with the Committee on Suffrage and Electoral Reforms na itigil ang pagkulong sa gobernador.

Nag motion si Rep. Rodante Marcoleta na palayain na si Gov. Mamba.

At bandang alas-9:11 kagabi na released si Mamba mula sa detention ng House of Representatives.

Subalit, mananatili ang Order of Contempt ng Committees’ laban kay Mamba at otomatiko itong mapawalang bisa matapos matanggap ng Komite ang kopya ng withdrawal ng TRO na inihain ni Gov. Mamba sa Supreme Court.

Natapos ang special meeting bandang 9:12 ng gabi.

Sa panayam naman kay Committee on Public Accounts Chairman Rep. Joseph Stephen Paduano kaniyang kinumpirma na pinalaya na nga si Gov. Mamba.

Humingi umano ng paumanhin ang gobernador hinggil sa nagdaang mga pagdinig na hindi ito sumipot.

Nangako din si Mamba na hindi na ito magsasalita pa ukol sa House Resolution sa labas ng Kongreso.

Nag commit na rin ang gobernador sa pamamagitan ng kaniyang affidavit na dadalo na ito sa susunod na pagdinig ng Komite.

Nangako din si Mamba na kaniyang i-withdraw ang petisyon na kaniyang inihain sa Korte Suprema sa darating na Martes.

Ayon kay Paduano nagkasundo sila ng gobernador na iwithdraw ang inihain nitong TRO sa Supreme Court at kanilang ipawalang bisa ang Contempt Order.

Dagdag pa ni Paduano na magkakaroon pa sila ng isa pang pagdinig hinggil sa House Resolution No. 125126 at saka maglalabas na sila ng Committee Report ukol dito.