Nag-anunsyo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ito ay nasa heightened alert mula Abril 2 hanggang Abril 10 sa panahon ng Holy Week.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista ito’y alinsunod sa direktiba na “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2023″.
Sinabi ng ahensya na ang mga paliparan nito ay nagsilbi sa 231,479 na mga pasahero noong Abril 2021, habang noong Abril 2022 ay may kabuuang 1,715,720 na mga pasahero ang naserbisyuhan ng mga paliparan ng CAAP.
Sa taong ito, inaasahan ng awtoridad ang pagtaas ng paglalakbay dahil na rin sa pagluluwag ng COVID19 restrictions sa bansa.
Sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero, sinabi ng CAAP na lahat ng 12 area managers nito na humahawak sa lahat ng pinapatakbo nitong paliparan na may mga commercial flights sa buong bansa ay dapat tiyakin ang pagsunod sa maximum deployment ng serbisyo at mga security personnel.
Upang matiyak na ligtas, maaasahan, at maginhawang paglalakbay sa himpapawid para sa mga pasahero, inilalagay ang mga hakbang sa kaligtasan at seguridad sa mga paliparan.
Una na rito, mahigit 1.5 milyong pasahero ang dadagsa sa mga paliparan sa susunod na buwan sa gitna ng Semana Santa.