-- Advertisements --

Abanse na rin sa dalawang panalo ang NBA top team sa Eastern Conference na Miami Heat matapos talunin muli sa Game 2 ng first round playoffs ang Atlanta Hawks, 115-105.

Hindi nagpaawat ang Miami All-Star na si Jimmy Butler nang magtala ng playoff career-high na 45 big points kasama na ang apat na 3-pointers.

Si Butler din ang bumida sa final moments ng laro nang kumamada ng pitong sunod-sunod na puntos para pigilan ang tuluyang paglapit ng Hawks.

Tumulong din sa opensa ng Heat sina Tyler Herro na may 15 points at si Max Strus na nagdagdag ng 14, habang si Gabe Vincent ay nagpakita ng 11 puntos.

Tinangka pang dumiskarte ng Atlanta nang bumawi sa kanilang mga laro sina Bogdan Bogdanovic na may 29 points at ang All-Star guard na si Trae Young na may 25 points pero kinapos na sa huling sandali.

Noong Game 1 ay meron lamang walong puntos si Young pero sa pagkakataong ito hindi pa rin sapat ang ginawa niyang doble kayod.

Kapansin pansin din ang 10 mga turnovers na nagawa ni Young kung saan batay sa record ito ang kanyang career-worst para sa eighth-seeded na Hawks.

Sa Sabado ay pipiliting makaganti ng Atlanta sa kanilang teritoryo kontra sa Miami para sa Game 3 at Game 4.