Puspusan na raw ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga otoridad para matunton at makilala ang mga sinasabing dinapuan ng sexually transmitted disease (STD) na mga Chinese na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sinabi nitong hindi na sakop ng Immigration bureau ang monitoring ng sinasabing pagkalat ng sexually transmitted disease na mga POGO workers pero nais daw nilang matiyak na ligtas ang mga ito.
Una rito, inamin ni Department of Justice (DoJ) Spokesperson Mico Clavano, nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng pagsisiyasat hinggil dito upang hindi na umabot pa sa mga Pilipino.
Dahil dito, sinabi ni Sandoval na tinututukan na rin nila ang naturang isyu para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Sa mga lumabas na balita nitong linggo, nakatanggap daw ang DoJ na sa isang POGO company mayroong 15 hanggang 20 kaso ng STD.