-- Advertisements --

ILOILO CITY – Balik operasyon na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Region 6 makaraang isinailalim sa lockdown ang kanilang opisina kasunod ng pagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ng apat na tauhan ng ahensya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jail S/Supt. Gilbert Peremne, deputy regional director for administration ng BJMP-Region 6, sinabi nito na balik na rin sa trabaho ang dalawang nilang personnel na naunang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Peremne, natapos na rin ang quarantine ng isa pang personnel at hinihintay ang resulta ng repeat test ng isa pang jail officer.

Tiniyak naman ni Peremne na nananatiling ligtas mula sa COVID-19 ang mga bilanggo sa jail facility ng BJMP sa buong Western Visayas.

Samantala, umakyat sa 146 ang kabuuang bilang ng COVID-19 positive sa Western Visayas matapos na nakapagtala ng karagadagang anim na pasyente ang Department of Health-Region 6.