CEBU – Patay ang isang tatlong buwang buntis matapos na binaril sa Sitio Lower Pungsod, Purok Orange, Barangay Lawaan III, Talisay City, Cebu.

Kinilala ang biktima na si Lynde Braga, 31-anyos na residente ng nasabing lugar.

Inihayag ni Patrolman Milfred Labitad ng Talisay City Police Station, bandang ala-1:00 ng madaling araw habang natutulog ang biktima kasama ang kanyang 10 buwan at tatlong taong gulang na anak ay pinasok ito ng mga suspek at binaril sa ulo.

Base na rin sa nakuhang impormasyon ng pulisya galing sa purok leader na si Maricel Labuca, sinasabing ang tatlong taong gulang na anak ng biktima ang siyang humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay matapos na umalis ang mga ‘di nakilalang suspek.

Sinasabing may naniningil ng utang kagabi na diumano’y galit na galit at nagbabantang babalikan nito ang biktima.

Hindi naman masabi ng pulisya kung anong klaseng utang ito, ngunit kanilang nalaman na gumagamit daw ng iligal na droga si Braga.

Nabatid na naaresto rin ang asawa nito noong Marso dahil naman sa pagtutulak ng iligal na droga.

Narekober sa crime scene ang isang magazine na may mga live ammunition at empty shell ng kalibre .45 na armas.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa nangyaring krimen.