Ikinabahala ng ilang doktor sa China ang bumagal na responde sa mga pasyenteng may komplikasyon sa puso mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.

Sa isang pag-aaral na naka-publish sa American Journal of Emergency Medicine, lumalabas na mula noong Enero hanggang Abril ay nadagdagan ng isang oras ang dapat na mas mabilis na contact sa doktor ng ilang pasyente na may ST-segment elevation myocardial infarction (STEMI) at naka-admit sa Hangzhou Chest Pain Center.

Mas maraming pasyente rin daw ang namamatay sa heart attack, at mas tumagal ng 22-minuto ang pagbubukas sa “blocked artery” ng isang pasyente.

“The pre-hospital and in-hospital treatment times of STEMI patients during the COVID-19 epidemic were longer than those before the epidemic,” nakasaad sa study.

“Acute myocardial infarction can lead to sudden death, and continuous myocardial ischemia can eventually develop into heart failure. Studies have shown that early reperfusion therapy is the key to the successful treatment of STEMI. “

Sa isang panayam sinabi ng co-author ng pag-aaral na si Dr. Ming Wei-Wang ng Affiliated Hospital of Hangzhou Normal University, kailangang maintindihan ng mga pasyenteng may komplikasyon sa puso na importanteng madala sila agad sa ospital kapag inatake.

Naniniwala kasi ang kanilang hanay na ang takot na mahawa sa COVID-19 pagdating sa ospital ang dahilan kaya hindi na lang nagpapasaklolo sa health facilities ang mga pasyente.

Ilan sa inirerekomenda ng mga nagsaliksik ay ang pagpapaigting ng diagnosis at treatment process sa STEMI patients tuwing may epidemic.

Dito sa Pilipinas, nangunguna ang ischaemic heart diseases na sanhi ng pagkamatay, batay sa 2017 data ng Philippine Statistics Authority.

PSA DATA ON DEATH 2017

Nakasaad sa datos na 84,120 o 14.5% ang bilang ng mga namatay na Pilipino dahil sa naturang komplikasyon sa puso sa nasabing taon.