-- Advertisements --

Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level ng Bulkang Mayon sa Albay mula sa level 1 hanggang 2 dahil sa increasing unrest nito.

Sa kanilang bulletin na inilabas, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang Bulkang Mayon ay nagpapakita ng shallow magmatic process na maaaring mauwi sa phreatic eruptions o mauna pa sa mapanganib na magmatic eruption.

Ayon sa Phiolvolcs, mahigpit na pinapayuhan ang publiko na maging mapagbantay at itigil ang pagpasok sa six kilometer-radius permanent danger zone upang mabawasan ang mga panganib mula sa biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato at pagguho ng lupa.

Kung sakaling magkaroon ng ash fall na maaaring makaapekto sa mga komunidad sa ilalim ng hangin sa bunganga ng Mayon, dapat takpan ng mga tao ang kanilang ilong at bibig ng basa, malinis na tela o dust mask.

Nabanggit nito na ang pang-araw-araw na visual at camera monitoring ng summit crater ay nagsiwalat ng pagtaas ng rockfall mula sa summit lava dome ng Mayon Volcano mula noong huling linggo ng Abril 2023, na nagpapahiwatig ng “aseismic growth”.

Una nang sinabi ng Phivolcs na noong Mayo 9, 2023, ang “lava dome ay tumaas sa volume ng humigit-kumulang 83,000 cubic meters simula noong Feb. 3, 2023 at sa kabuuan ay halos 164,000 cubic meters mula noong Agosto 20, 2022.

Bukod dito, naitala ng Phivolcs ang pinakamataas na sulfur dioxide emission noong Abril 29, na may average na 576 tonelada bawat araw, at ang huling pagsukat noong Mayo 23, na may average na 162 tonelada bawat araw.