ILOILO CITY – Hindi naging hadlang para sa isang padre de pamilya sa Lungsod ng Iloilo ang kanyang pagiging isang bulag upang sumali at manalo sa Radyo Para sa mga Pilipino na bahagi ng ika-55 anibersaryo ng Bombo Radyo Philippines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Agustin Borreros, residente ng Lanit, Jaro, Iloilo City, at isang masahista, sinabi nito na labis ang kanyang kasiyahan na isa siya na nakatanggap ng Limited Edition Commemorative radio set na may logo na 55th Anniversary ng Bombo Radyo Philippines at cash.
Ayon kay Borreros, bilang isang bulag, nagsilbing kanlungan niya ang pakikinig sa Bombo Radyo at nagsilbing gabay nito ang radyo sa mga pangyayari sa paligid na hindi man nito makikita ngunit kanyang naririnig at nauunawaan.
Agaw-atensyon naman si Boreros nang tumungo ito sa himpilan ng Bombo Radyo Iloilo upang kunin ang kanyang napanalunan dahil ang kasama niya ang kanyang anak na isa ring bulag.