Kinalampag ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga contractors sa Build, Build, Build program ng Duterte administration na tiyaking hindi maantala ang mga hinahawakang protekto sa gitna nang enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa banta ng COVID-19.
Para maiwasan ang delay, sinabi ni Lagman na kailangan na matiyak ang ready access ng mga manggagawa sa pinagtatrabahuhang construction site na hindi lumalabag sa enhanced community quarantine policy.
Maari aniya ito kapag maglagay ng sapat na bilang ng bunk houses ang mga contractors bilang pansamantalang tirahan ng kanilang mga laborers.
Mainam din aniya na bigyan na rin ng mga contractors ang kanilang mga manggagawa nang pagkain katuwang ang Department of Public Works and Highways sa ilalim ng administrative cost nito.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, naniniwala si Lagman na mapapabilis ang pagtapos sa mga proyekto bago sumapit ang tag-ulan gayundin ang itinakdang deadline sa ilalim naman ng cash-based budgeting system.