KORONADAL CITY – Nakatanggap na ng tulong mula sa LGU at DSWD ang nasa mahigit 100 pamilya na apektado ng pananalasa ng buhawi at pagguho ng lupa sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Lake Sebu Mayor Floro Gandam sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mayor Gandam, dahil sa sunod-sunod na pagbuhos ng malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin ay nasira ang kabahayan ng mga residente.
May mga maituturing na totally at partially damage na mga bahay kung saan ang ilan sa mga ito ay nilipad ng hangin ang mga bubongan.
Sa katunayan may isang day care center pa na nasira dahil sa pananalasa ng buhawi.
Samantala, pinag-iingat naman sa ngayon ang mga residente sa mga barangay na naitala ang landslide sa posibilidad na pagguho pa ng lupa.
Ngayong araw naman ay ipinag-utos ni Mayor Gandan na suspended ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong sector dahil sa walang tigil na ulan dulot naman ng intertropical convergence zone.