Sinimulan na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pag-streamline ng mga operasyon nito sa pagpapatupad ng mga digitalization program ng kanilang kawanihan.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na sumailalim ang mga tauhan ng bureau sa isang seminar sa OneBuCor Portal at Inmate Management and Information System.
Sinabi ni Catapang na ang seminar ay naglalayong magbigay sa mga tauhan ng mga advanced na kasanayan at kaalaman sa paggamit ng OneBuCor Portal at Inmate Management and Information System Platform, na napakahalaga sa pag-streamline ng mga operasyon sa iba’t ibang tanggapan ng BuCor.
Ang seminar ay isinagawa ng sariling information technology (IT) experts ng BuCor na sina CO1 Alvin Deang at CTO1 Ernest Tristan Macabata.
Nagbigay sina Deang at Macabata ng mahalagang impormasyon at mga karanasan sa pag-aaral para sa lahat ng mga kalahok, at parehong nagbahagi ng mga bagong pananaw,at kasanayan sa pagpapatupad ng nasabing sistema.
Ito ay nagbigay-diin din sa kahalagahan ng data accuracy, security and accesibilty para sa mas malalim na pag-unawa sa portal system.
Kasabay nito, sinabi ng BuCor na sa naganap na seminar ang mga kalahok ay tinulungan sa mga hands-on session, at nagbigay ng practical guide sa pag-navigate sa interface ng Inmate Management and Information System, data entry, at pag-troubleshoot ng mga karaniwang issue sa sistema ng kawanihan.