Mariing itinanggi ng itinuturong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang paratang ng witness hinggil sa papel nito sa kontorbersyal na bentahan umano ng good conduct time allowance (GCTA) sa New Bilibid Prison.
Sa isang interview sinabi ni Senior Insp. Maribel Bansil na wala siyang kinalaman at ideya sa sinasabing “GCTA for sale” dahil sa tanggapan ng BuCor external affairs ang kanyang trabaho.
Sinamahan lang daw niya si Yolanda Camelon patungo sa bahay ni Documents Section head Staff Sgt. Ramoncito Roque dahil gusto raw nitong makausap ang opisyal.
Wala raw siyang alam sa sinasabing P50,000 na binayad umano ni Camelon sa kanya, gayundin sa napagusapan ng witness at ni Roque.
Nitong Huwebes nang banggitin ni Camelon sa Senate hearing ang pangalan ni Bansil na nag-alok umano sa kanya ng GCTA for sale noong Pebrero.
Pero dahil hindi raw nitong kayang punan agad ang P50,000 na singil ay naging hulugan ang kanilang sistema kapalit ng maagang laya ng kanyang asawa.
Sa ngayon hindi pa rin umano nakakalaya ang asawa ni Camelon, gayundin na binabawi na raw niya ang binayad sa mga opisyal.
Itinanggi naman ito ni Roque.