-- Advertisements --
BUCOR CHIEF CATAPANG

Hiningi ng Bureau of Corrections ang tulong ng Department of Agriculture para magamit ang mga bakanteng lote nito bilang mga taniman.

Sinabi ni Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na mayroong anim na kulungan ang BuCor sa buong bansa kung saan 80 hanggang 90% ng mga lupain nito ay bakante para sa pagtatanim.

Ito ay binubuo ng 47,000 hectares na total land area na maaaring gawing farmland, habang mayroon ding 50,000 na mga inmates na maaaring turuan upang maging magsasaka.

Sa kasalukuyan aniya, ang Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan ay nagsisilbing pilot project para sa food production program ng BuCor at inaasahang gagamitin ang hanggang 501 ektarya ng lupain nito.

4.5 hectares dito ay tatamnan ng mga high value crops, 30 hectares ay tatamnan ng mga kasoy, 40 hectares ay gawing palayan, 400 hectares ay para sa pag-aalaga ng mga hayop, habang 25 hectares ay tatamnan ng yellow corn.

Ayon kay Gen. Catapang, nais nilang mangyari din ito sa iba pang mga prison and penal farms sa buong bansa, sa tulong na rin ng DA.

Katwiran ng heneral, gumagastos ang pamahalaan ng hanggang P120,000 kada preso kada taon, habang wala silang ginagawa sa loob ng kulungan.

Kailangan aniyang palitan na ang ganitong sistema at gamitin ang mga preso sa pagpapatatag sa supply ng pagkain sa buong bansa.