-- Advertisements --

Dumipensa si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa pagtawag niyang “BTS sa Kongreso” sa grupo nila ng kanyang mga kaalyado.

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ng kinatawan ng Taguig-Pateros na ang pagtawag niya sa kanilang grupo bilang “BTS sa Kongreso” ay “call to action” o panawagan sa Kamara para magtrabaho.

Ginawa ito ni Cayetano matapos na umani nang batikos mula sa mga netizens, lalo na sa mga fans ng South Korean boyband na BTS, ang pangalan ng binuo niyang grupo.

Ang naturang grupo ay binubuo nina Cayetano, Camarines Sur Rep.Luis Raymund Villafuerte, Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep.Raneo Abu, Anakalusugan party-list Rep.Mike Defensor, Bulacan Rep.Jose Antonio Sy-Alvarado, at Capiz Rep.Fredenil Castro.

Sa kanilang press conference nitong umaga, pinuna ni Cayetano ang liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.

Hindi aniya kagaya noong siya pa ang lider ng Kamara kung saan nakilala sila bilang “House of the People” ngayon ay naging “House of Politics” na ito.

Ayon kay Villafuerte, nagdesisyon silang magsama-sama para matiyak na mayroon pa ring oversight sa maraming batas na naipasa nang sila ay may hawak pang posisyon sa Kamara.

Katulad ni Cayetano, iginiit ni Villafuerte na layon lamang nilang ibalik ang Kamara sa kung paano ito nakilala sa kanilang panahon sapagkat “masyado nang namumulitika” aniya ang mga nakupo ngayon sa puwesto.

Para naman kay Defensor, bagama’t pito lamang sila sa kanilang bagong grupo, mayroon naman aniya silang iba pang “sympathizers” at “supporters” na bahagi naman ng liderato ngayon ng Kamara at committee chairmanship.

Gayunman, sinabi ni Cayetano na hindi naman nila tututulan ang bawat isa at mga polisiyang itinutulak sa ilalim ng liderato ni Velasco.