-- Advertisements --
image 213

Hinihimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga financial institution sa bansa na bantayan ang mga digital channel na maaaring magamit sa pagbili ng boto ng mga kandidato sa BSKE 2023.

Batay sa inilabas na Memorandum No. M-2023-030 na pirmado ni Deputy Governor Chuchi G. Fonacier, hinimok nito ang mga financial institution na nasa ilalim ng supervision nito na gumawa ng mga paunang hakbang upang mabantayan ang ganitong isyu.

Maaari umanong mabantayan ang pamimili ng boto na ginagamit ang digital channel sa pamamagitan ng pag-obserba sa mga sitwasyon katulad ng pagtaas ng bilang ng mga account registrations sa mga lugar na una nang nabanggit ng COMELEC na talamak ang bilihan ng boto, hindi normal na paggalaw ng cash, hindi normal na pag-cash-in at pag cash-out ng mga agents.

Sa mga nasabing sitwasyon, sinabi ng BSP na kailangang mabantayan at mapag-aralan ng mga financial institution ang paggalaw ng pera at gumawa ng akmang hakbang.

Hinimok rin ng Banko Sentral ang mga ito na bumuo ng surveillance at monitoring system na magagamit.

Ayon sa BSP, dapat iwasan ng mga banko na magamit sila bilang channel ng ilegal na bentahan ng boto, kasabay ng BSKE 2023.

Hinimok din ng central bank ang mga financial institution na isumite sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga kahina-hinalang transactions, bastat hindi lumalabag ng batas.

Ito ay upang makapagsagawa rin ng sariling imbestigasyon ang naturang konseho.