Nangangamba ngayon ang mga Pinoy sa estado ng Texas sa Amerika sa posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga namatay sa nangyayaring winter storm.
Aniya, apat na araw nang nakakaranas sila ng walang tubig at suplay ng koryente matapos sumabog ang mga water pipes dahil sa sobrang lamig.
Ayon sa ulat ni Bombo international news correspondent Bombo Pinoy Gonzales, nasa 16 na estado sa US ang apektado ng winter storm ngunit ang Texas umano ang siyang pinakagrabeng tinamaan.
Samantala, iniulat din ni Gonzales na gutom, pagod at kulang sa tulog ang naranasan ng ilang mga Pinay nurses sa Amerika dahil sa kalamidad.
Ilang araw nang nananatili sa loob ng hospital ang mga ito matapos silang pagbawalan na makauwi dahil sa sobrang dulas ng mga kalsada.
Tanging tinapay na lamang umano ang kinakain ng ilang mga nurses upang maka-survive sa loob ng mga hospital.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng mga otoridad ang nasa pitong milyong mga residente sa Texas na pakuluan ang kanilang tubig o kaya ‘wag ng gamitin pa dahil sa dumi bunsod ng mga sirang mga tubo.
Hanggang ngayon nangangapa pa rin ang power supply operator kung kelan maibabalik ang suplay ng enerhiya na nagpatindi pa sa mga pangangailangan ng mga homeowners, hospitals at mga negosyo.
Kabado rin ang lokal na mga opisyal sa limitadong supplay ng oxygen na kailangan ng mga may problema sa kalusugan.
Ang “brutal winter storm” na nag-iwan na ng mahigit sa 20 ang patay ay tinawag din ngayon na “catastrophic power outages” sa estado ng Texas.”