Binatikos ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roquq na nagkaroon ng mahabang bakasyon ang mga Pilipino dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Brosas, “insensitive” at “downright offensive” ang naging pahayag ni Roque, na siyang naging reaksyon naman ng nito sa panawagan ni Sen. Risa Hontiveros kay Pangulong Rodrigo Duterte na irekonsidera ang desisyon na gawing special working days ang November 2, December 24 at December 31.
Kung para sa Malacañang ang isang taon na pandemya ay isang bakasyon lamang, pero para sa mga mahihirap ito ay isang walang hanggang bangungot dulot ng kawalan ng ayuda at kabuhayan, ayon kay Brosas.
Baka tama lamang aniya ang sinabi ni Sen. Bato dela Rosa at masarap talaga ang buhay ng mga malalapit sa presidente.
Magugunita na sinabi ni Roque kamakailan na matagal nang “nakabasyon” ang mga Pilipino kaya panahon nang bumangon mula sa pagkakalugmok bunsod ng public health crisis.
Kamakailan lang ay idineklara ni Duterte ang November 2, December 24 at December 31 bilang special working holidays para magtuloy-tuloy ang trabaho sa bansa, na nakikita niyang makakatulong sa pagsindi ulit ng ekonomiya.