CEBU – Patay ang isang British National matapos masunog ang bahay nito sa Pacific Grand Villas, Brgy. Marigondon, lungsod ng Lapu-Lapu pasado alas otso kagabi.
Kinilala ang banyaga na si Ian Alastair Mackenzie, 69 taong gulang. Ayon sa asawa ng biktima, matapos nilang maghapunan inilabas nito saglit ang kanilang mga alagang aso at naiwang mag-isa ang asawang Briton.
Pagbalik ng asawa, laking gulat na lang nito nang sinabi ng kanilang kapitbahay na nasunog na ang kanilang bahay. Agad namang pinuntahan ng asawa ang foreigner ngunit dahil sa sobrang init at kapal ng usok, nahirapan itong kunin ang biktima.
Nakita na lang nito na nakabulagta na ang kanyang asawa sa sahig at sinubukan pang i-revived ngunit hindi nagtagumpay ang pag-CPR sa biktima.
Dumating naman sa lugar si Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan upang personal na ipa-abot ang tulong at pakikiramay sa nasunogan.
Patuloy naman na inimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ng Lapu-Lapu City ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.