Kailangan sumabay ng Pilipinas sa mabilis na pagbabago sa pamamaraan sa pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya, ayon kay Education Sec. Leonor Briones.
Sa briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Briones na mahalagang hindi mapag-iwanan ang Pilipinas pagdating sa digital learning.
Ito ay kahit pa inamin din niya na problema pa rin hanggang sa ngayon ang connectivity sa bansa.
Iginiit ni Briones na hindi rin dapat habangbuhay na umasa sa mga modules sa pagtuturo sapagkat base sa mga datos ay isa ito sa pinakamahal na training o teaching tool.
Problema rin aniya ito sapagkat napakaraming puno ang kinakailangan na putulin para makagawa ng mga papel na ginagamit sa modules.
Kapag ganito aniya ang sistema, kalaunan ay mas madalas ang problema sa pagbaha dahil maraming puno ang mga pinuputol.