-- Advertisements --

Naglabas na ng pahayag si Ukraine President Volodymyr Zelensky matapos aminin ng Iran ang di-umano’y aksidente nitong pagpapabagsak sa pampasaherong eroplano na may sakay na 176 katao.

Ayon kay Zelensky, inaasahan nila na magsasagawa ng open investigation ang Iran hinggil sa insidente at pananagutin ng nasabing bansa ang kung sino mang responsable rito.

Hiling pa ng presidente na ibalik sa kani-kaniyang pamilya ang mga bangkay, bayaran ng Iran ang danyos na kanilang dinulot at gayundin ang paglalabas nito ng public apology sa pamamagitan ng diplomatic channels.

Una nang nagsalita si Iranian President Hassan Rouhani patungkol sa malagim na insidente kung saan sinabi nito na handang tumulong ang Iran sa kahit anong imbestigasyon na nanaisin ng ibang bansa.

Aniya, kakailanganin pa ng mas malalim na imbestigasyon upang malaman ang naging dahilan ng trahedya ngunit sinabi rin nito na handa ang kaniyang bansa na ayusin ang kung ano mang kahinaan ng kanilang sistema upang hindi na maulit pa ang nangyari.