CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi at dalawa sugatan sa pananambang sa Cotabato.
Nakilala ang napatay na si Kunti Kadatuan Solaiman, driver at miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).
Sugatan naman ang nagngangalang Kutin Idtug, 67-anyos na Moro National Liberation Front political affairs officer at kapitan ng Barangay Ilian sa Matalaman, North Cotabato.
Nagtamo rin ng minor injury ang isa pa sa kasama ni Kapitan Idtug na si Antonio Saban, taga-Barangay Kayaga sa Kabacan, Cotabato.
Ayon kay Matalam Chief of Police/Major Joseph Brian Placer, lulan ang mga biktima ng isang multicab na pagmamay-ari ng Barangay Ilian pauwi na ng kanilang tahanan mula sa palengke.
Gayunman, pagsapit nila sa plantasyon ng tubo sa Barangay Marbel, Matalam ay doon na sila tinambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M14,M16 at carbine rifles.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek nang matunugan nito na nagresponde ang mga tauhan ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) at BPAT.
Patay agad ng driver ng multicab, habang naisugod sa Midway Hospital sina Kapitan Idtug at Saban na nasa ligtas ng kalagayan.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa pananambang sa mga biktima at patuloy na nag-iimbestiga.