LEGAZPI CITY – Sasampahan ng kaso ang isang opisyal ng barangay matapos masangkot sa bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at notorious criminal group sa Barangay Molosbolos, Libon, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay National Bureau of Investigation-Bicol director Paterno Morales, kasong harboring of criminal ang posibleng isampa ng Philippine National Police sa punong barangay ng naturang lugar dahil sa pagprotekta sa Concepcion Gang.

Mismong sa bakuran kasi ng bahay nito nangyari ang palitan ng putok at dito rin natagpuan ang namatay na miyembro ng grupo.

Kasama rin ito sa dalawa pang inaresto ng mga otoridad.

Sa ngayon, nagpapagaling na sa ospital ang miyembro ng Special Weapons and Tactic na sugatan rin sa sagupaan.

Patuloy namang pinaghahanap ang nakatakas na lider ng grupo.

Kung maaalala, magsisilbi sana ng arrest warrant ang government forces sa lugar laban sa lider ng Concepcion Gang subalit nauwi sa bakbakan ang operasyon.

Napag-alaman na sangkot ang criminal gang sa ilang high-profile crimes sa Bicol at mga kalapit na lugar.