-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Itinakbo sa pagamutan ang nasa walong katao sa Mayngaway, San Andres, Catanduanes, matapos umanong mabiktima ng food poisoning.

Ayon kay Olga Manlangit, sanitary officer ng San Andres-local government unit sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea ang naturang mga indibidwal.

Hinala ng mga pasyente, posibleng dahilan ng pagkalason ang handa sa dinaluhang kasalan.

Nabatid na maaga pa umanong inihain ang mga pagkain subalit dahil sa init ng panahon, maaring napanis na ang ilan pagsapit ng hapon.

Lima sa mga pasyente ang mula sa Barangay Barihay, dalawa sa Bagong Sirang at isa sa Mayngaway.

Sa ngayon, nasa ligtas na lagay na rin ang mga ito kabilang ang mismong barangay kapitan.