BAGUIO CITY – Naniniwala ang pamilya ng pinaslang na Barangay Kagawad sa Pilar, Abra na pulitika ang dahilan kung bakit ito pinagbabaril.

Ang biktima na si Feliciano Tobias, 58-anyos, Barangay Kagawad ng Kinabiti, Pilar, Abra ay supporter ng isang mayoralty candidate sa kanilang bayan.

Batay sa imbestigasyon, natukoy ng pulisya na nagpaalam pa ang biktima sa kanyang asawa na pupunta sa kanilang imbakan ng tabako kahapon ng madaling araw.

Subalit ilang sandali lamang nang makaalis ng kanilang bahay ang biktima ay nakarinig ng magkakasunod na putok ang isang residente sa lugar.

Kinalaunan ay nakita na lamang sa daan ang biktima na nakadapa at nadaganan ng kanyang motorsiklo.

Na-recover ng SOCO ng siyam na basyo ng bala mula sa M14 at M16 na baril sa crime scene.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima.

Ipinag-utos na ni Abra Acting Provincial Director P/Col. Alfredo Dangani ang malalimang imbestigasyon sa krimen lalo na kung may kinalaman ito sa nalalapit na eleksyon.