TACLOBAN CITY – Sugatan ang isang barangay kapitan matapos tambangan ng riding in tandem habang kasama nito ang ilang barangay tanod, kagawad at ilang bystanders sa Brgy. Cagsalaosao, Calbayog City.

Kinilala ang mga biktima na sina Brgy. Chairman Dennis Lloyd, Barangay Kagawad Hermilando Bongoyan, mga barangay tanod na sina Reynaldo Getigan at Raymond Navarro at ang ilang bystanders na sina Jerome Flor, Aljon Torculas pawang mga residente ng nasabing barangay.

Ayon kay Police Lt. Col. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita Police Regional Office Region 8 (PRO-8), magkakasama habang nag-uusap usap ang naturang mga biktima malapit sa tanod outpost nang bigla silang pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay sa isang single na motorsiklo.

Ligtas ang naturang mga biktima pero nakapagtamo naman ng tama ng bala ang nasabing kapitan at agad naman itong dinala sa pagamutan.

Agad na nakaeskapo ang suspek na riding in tandem matapos ang ginawang krimen.

Narekober ng mga otoridad sa naturang insidente ang dalawang basiyo ng bala ng pinaniniwalaang 45 pistol at isang live ammunition ng nasabing kalibre ng baril.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang motibo at responsable sa naturang krimen.

Mababatid na ito na ang ikalawang insidente ng pananambang sa ilang Brgy. officials sa Calbayog City ilang linggo bago ang nakatakdang eleksyon ngayong Mayo.