KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang barangay chairman at isang empleyado ng Department of Interior and Local Government nang mabangga ang sinasakyang kotse sa isang bus na naka-parking sa M’lang, North Cotabato.

Kinilala ang mga nasawi na sina barangay chairman Kesay Mamasalagat ng Brgy. Buliok, Pagalungan, Maguindanao; at Allan Anta, empleyado ng DILG.

Samantala, natukoy naman ang mga malubhang nasugatan na sina Sengko Macagcaid, barangay treasurer ng nasabing barangay at isang Jhohaiden Manonsol, driver ng kotse.

Dumipensa naman ang driver ng Rural bus na si Dante Salon Pizana dahil naka-park umano ito sa bahagi ng crossing ng national highway sa Barangay Bialong at nagulat na lamang sa pagsalpok ng kotse.

Ayon sa rescue team, dahil sa lakas ng pagkakabangga ay natagalan pa bago makuha ang driver mula sa pagkakaipit nito sa mga bakal ng sasakyan kung kaya’t kinailangan pang lagyan ng oxygen ang driver bago tuluyang ma-rescue.

Agad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa pang nakaligtas sa nangyaring insidente.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.