-- Advertisements --

Kinumpirma ni Associate Justice Karl Miranda ng Sandiganbayan Third Division ang pag-isyu ng arrest warrant laban kay Senator Rodante Marcoleta.

Ang warrant ay kaugnay ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman noong nakaraang linggo, kung saan inaakusahan ang senador na hindi idineklara ang P75 milyon na campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Kasama sa sinampahan ng kaso ang dating kongresista Michael Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray, na nahaharap din sa paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo o donasyon na may kaugnayan sa kanilang tungkulin.

Ang pangunahing kaso ay na-raffle sa Sandiganbayan Third Division na pinamumunuan ni Justice Miranda, habang ang iba pang kaugnay na kaso ay naipamahagi sa ibang dibisyon ng korte.

Binigyang-diin ni Justice Miranda na ang pag-isyu ng arrest warrant ay patunay ng determinasyon ng korte na ipatupad ang batas at panagutin ang mga opisyal na inaakusahan ng katiwalian.

Dahil ang plunder ay isang non-bailable offense, inaasahang magsisimula na ang masinsing paglilitis na maaaring maging isa sa pinakamainit na legal na laban sa kasaysayan ng Sandiganbayan.

Samantala, mariing itinanggi ni Marcoleta ang mga paratang.

Iginiit nito na siya’y biktima ng “political persecution ng administrasyon, bagay na kinontra ng Malacanang.