-- Advertisements --

MANILA – Pag-uusapan pa raw ng mga alkalde sa Metro Manila kung susundin ba nila ang bagong polisiya ng Department of Health (DOH) na hindi na i-anunsyo ang available na brand ng COVID-19 vaccines sa kanilang lugar.

Pahayag ito ng Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, na siyang chairman ng Metro Manila Council, sa gitna ng magkakaibang posisyon ng NCR mayors tungkol sa “brand agnostic” policy ng Health department.

Kahapon, ilang alkalde sa Metro Manila ang agad tumugon sa utos ng Department of Interior and Local Government na hindi na ipaalam sa kanilang mga residente kung ano-anong mga bakuna ang nasa kanilang vaccination sites.

Tulad ng Muntinlupa, Mandaluyong, San Juan, Pasay, at Maynila.

Pero ang ibang lungsod tulad ng Makati ay iginiit na may karapatan ang publiko na malaman at makapili ng bakunang ituturok sa kanila. Hindi rin sang-ayon ang mga mayor ng Navotas at Marikina.

“Pero alam naman natin itong ating vaccine na ito, lahat ito ay dumaan sa masusing pag-aaral pati clinical testing. Ito ay dumaan sa (Food and Drug Administration) at binigyan ng EUA. Ibig sabihin, lahat ng vaccine na inaprubahan ay safe at may efficacy yan para makaprotekta dito sa ating pandemic na ito,” ani Olivarez sa interview ng Teleradyo.

Ayon naman sa DOH, handa silang silipin ang polisiya para matugunan ang pangamba ng local government officials.

Sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje, isa sa tinitingnan nilang areglo sa polisiya ay ang pagbibigay ng mga bakunang donasyon ng COVAX sa A1 o healthcare workers, A2 o senior citizens, A3 o may comorbidity, at A5 o mga mahihirap.

Habang ang A4 o essential workers, at natitirang populasyon ay tatanggap ng mga bakunang binili ng pamahalaan.

“There will be some limitation. You will know what vaccine you will be getting in a way. So it will be a toss between the two that will be available,” ani Cabotaje sa panayam ng ANC.

Nilinaw ni Cabotaje na hindi naman ipagkakait sa tao ang karapatan na malaman ang brand ng bakuna na ituturok sa kanila, dahil mayroon pa rin namang informed consent, gayundin na sasabihin sa mismong vaccination site kung anong brand ng bakuna ang gagamitin.