-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan sa Kamara ng Gabriela party-list ang anila’y mga BPO companies na umaabuso sa work-from-home setup ngayong umiiral pa rin ang community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang inihaing House Resolution 997, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na may mga kompanyang hindi nagbibigay ng allowance o subsidiya sa ibinabayad sa kuryente at internet connection ng kanilang mga empleyado na sakop ng work-from-home arrangement.

Dahil dito, mas maliit aniya ang kita ng mga empleyadong ito para ipambili ng kanilang pagkain at pantustos na rin sa kanilang healthcare needs.

Base sa resulta ng survey ng BPO Industry Employees Network (BIEN), sinabi ni Brosas na apat sa limang work-from-home employees ang  nagbabayad ng kanilang sariling internet collection.

Natukoy din aniya sa naturang survey na dalawa sa limang work-from-home employees ang nagsabing nabawasan ang kanilang income dahil sa mabagal na internet service.

Kaya mainam aniya na masilip ng Department of Labor and Employment ang mga ulat na ito at bumuo ng mas epektibong monitoring guideline para sa work-from-home arrangements para maiwasan na rin ang aniya’y unfair labor practices lalo na sa BPO industry.